Biyernes, Hulyo 13, 2012
Miyerkules, Hulyo 11, 2012
Comedy King
Kung hindi mo pa alam kung ano ang pinakahuling balita tungkol kay Comedy KingDolphy, baka sa kweba o sa bundok ka nakatira. Kung hindi naman, baka abala ka lang sa iba’t-ibang bagay tulad ng trabaho, eskwela, kasintahan, kaibigan at pamilya. Pero sige ka, baka multuhin ka n’ya dahil di mo man lang napansin ang nangyari nitong gabi lang.
Ngayong araw, Hulyo 10, 2012, ay pumanaw na ang nag-iisang Hari ng Komedya sa Pilipinas, walang iba kundi si Dolphy. Sa maraming taon ng kanyang pagpapatawa ay hindi na kataka-takang marami ang nalungkot nang malaman nila ang balita. Trending topic sa twitter at patuloy pa ring pinag-uusapan sa facebook, ang pagpanaw ni Mang Dolphy ay nagbigay senyales sa lahat ng Pilipino na isang di matatawarang alagad ng sining ang kinuha na ng Panginoon.
Ayon sa opisyal na pahayag ng Makati Medical Center, pumanaw si G. Rodolfo “Dolphy” Quizon sa oras na 8:34 ng gabi dahil sa Multiple Organ Failure sanhi na rin ng kumplikasyong dulot ng mga sakit na Severe Pneumonia, Chronic Obstructive Pulmonary Disease at Acute Renal Failure.
Isa ako sa milyun-milyong Pinoy napatawa ni Mang Dolphy. At dahil yan sa mga karakter na ginampanan niya mula pa noong araw. At sa lahat ng mga iyon, pinakanagustuhan ko ang karakter n’yang Mang Kevin Kosme sa Home Along Da Riles. Lahat na yata ng mga batang Pinoy na nabuhay noong Dekada ’90 ay alam ang karakter na Mang Kevin. At bakit naman hindi, talaga naman kasing tinutukan ang nasabing sitcom tuwing Huwebes ng gabi. Pinakita rito ng Hari ng Komedya ang kanyang walang kupas na galing sa pagpapatawa habang nagbibigay aral sa mga manonood. Naaalala kong tinuturo ng kanilang palabas noon na kahit mahirap ang buhay nila ng kanyang pamilya, masaya sila basta’t sila ay sama-sama.
Tiyak na magkakaroon ng interes ang mga taong panooring muli ang mga magagandang palabas at pelikula ni Mang Dolphy, kahit yung mga lumang-luma pa at naka-black and white lamang. Sana magkaroon ng ideya ang ABS-CBN ( o iba pang channel) na ipalabas muli ang mga ito upang mapanood ng marami ang iniwang yaman ng Hari ng Komedya. Alam naman natin kasing hindi lang saya pati mga ngiti ang maidadala nito sa ating mga labi kundi mga iba’t-ibang aral sa buhay, ipinadaan man sa komedya o madadramang eksena ng kanyang mga likha.
Sa huli, isama na lang natin sa pagdarasal ang ikapapayapa ng kaluluwa ni Mang Dolphy. Siya man ay lumipas na sa ating mundo, tandaan na lang nating ang kanyang naging kontribusyon sa kulturang Pilipino ay di matatawaran kailanman. Pangalan ng komedya na mismo ang magsisilbing ala-ala natin para sa kanya.
“Tatanda at lilipas din ako/ Ngunit mayroong awiting/ Iiwanan sa inyong ala-ala/ Dahil minsan tayo’y nagkasama.”
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)